Mga Alamat
related material pages

 

Alamat ng Lansones

Alamat ng Saging

Alamat ng Mangga

Alamat ng Makopa

 

Grammar

Glossary

Alamat Glossary

Main Page

Email us

 

ALAMAT NG LANSONES

Sinasabing ang puno ng lansones ay karaniwang makikita sa Luzon. Gayunman, walang gaanong pumapansin dito. Isang araw, isang magnanakaw ng kalabaw ang hinahabol ng mga tao. Napagawi ito sa lansonesan at doon nagtago. Sapagkat gutom na gutom na rin ang magnanakaw sa katatakbo, pumitas siya ng lansones at kumain. Nalason siya. Dinatnan siya ng mga taong patay at may bakas pa ng bula sa bibig. Mula noon, pinagkatakutan ang lansones. Walang nangahas kumain nito.

Minsan, isang babaing nakaputi ang dumating. Palakad-lakad ito sa may lansonesan. Pakanta-kanta ang babae kaya marami ang nakatingin sa kanya pero nangangamba namang makipag-usap. Nakita ng lahat na kumuha ng bunga ng lansones ang babae at nagsimulang kumain. Inasahan ng mga nanonood na mamamatay siya pero walang nangyari sa kanya. Kinambatan niya ang mga tao para lumapit. "Alam kong nagugutom kayo, inalisan ko na ito ng lason. Maaari na ninyong kainin." Takot pa rin ang mga tao. Pero inabutan sila ng babae ng lansones. "Makikita ninyong may bakas ng kurot ang prutas. Iyan ang tanda na inalisan ko na ito ng lason. Kumain na kayo." At nawala ang babae.

Sinapantaha ng lahat na isang ada ang babae. Tinikman nilang lahat ang prutas. At naroon nga ang bakas ng kurot, wari’y lalong nagpalinamnam sa lansones.

back

ALAMAT NG SAGING

Noong unang panahon, isang magandang babae ang nakakilala ng isang kakaibang lalaki. Ito ay isang engkanto. Masarap mangusap ang lalaki at maraming kuwento. Nabihag ang babae sa engkanto. Ipinagtapat naman ng engkanto na buhat siya sa lupain ng mga pangarap, at hindi sila maaaring magkasama. Gayunman, umibig ang babae sa lalaki.

Isang araw, nagpaalam ang binata. Sinabi niyang iyon na ang huling pagkikita nila. Nang magpaalam ang engkanto, hindi nakatiis ang babae. Ayaw niyang paalisin ang lalaki. Maghigpit niyang hinawakan ang kamay ng lalaki para huwag itong makaalis. Pero nawala ang lalaki, at sa matinding pagkabigla ng babae, naiwan sa kanya ang kamay nito. Nahintakutan ang babae. Dali-dali niyang ang kamay sa isang bahagi ng bakuran.

Kinaumagahan, dinalaw niya ang pook na pinagbaunan ng kamay. Napansin niyang isang halaman ang tumutubo. Makaraan ang ilang buwan, tumaas ang puno na may malalapad na dahon. Nagkabunga rin ito na may bulaklak na itsurang daliri ng mga kamay. Ito ang tinatawag na saging ngayon.

 

back

ALAMAT NG MANGGA

Kaisa-isang anak nina Aling Maria at Mang Juan si Ben. Mabait at matulungin si Ben. Nagmana siya sa kanyang mga magulang na mababait din naman. Isang araw, isang matandang pulubi ang kinaawaan ni Ben. Inuwi niya ang pulubi sa bahay, ipinagluto at pinakain. Isang araw naman, samantalang nangangahoy, isang matandang gutom na gutom ang nasalubong niya. Pinakain din niya ito at binigyan ng damit.

Makaraan ang ilang panahon, nagkasakit si Ben. Sa kabila ng pagsisikap ng mag-asawa na pagalingin ang anak, lumubha ito at namatay pagkatapos. Ganoon na lamang ang iyak ng mag-asawa. Kinabukasan, habang nakaburol ang kanilang anak, dumating ang isang diwata. Hiningi nito ang puso ni Ben, Ibinaon ng diwata ang puso sa isang bundok. Ito ay naging punongkahoy na may bungang hugis-puso. Marami ang nakikinabang ngayon sa bungang ito.

back

 

 

 

ALAMAT NG MAKOPA

makopa

Sinasabing may isang bayang hindi nakakilala ng gutom dahil may isang gong o batingaw silang nagkakaloob ng kanilang kahilingan. Nabalitaan ito ng mga tulisan kaya nag-ambisyon silang nakawin ang gong at ilipat ito sa ibang lugar. Sa takot ng mga tao sa pagsalakay ng mga tulisan, ibinaon nila ang gong sa isang lugar na malapit sa gubat.

Sumalakay nga ang mga tulisan. Nakipaglaban ang mga taong-bayan hanggang maitaboy paalis ang mga gustong magnakaw ng kanilang gong. Sa kasawiang-palad, marami-rami rin ang namatay. Kabilang dito ang mga nagbaon ng gong. Samakatwid, walang makapagsabi kung saan nakatago ang gong.

Ilang taon ang lumipas at hindi pa rin nakikita ang gong.Naghihirap na ang mga tao. Isang araw, isang bata ang napadako sa tabi ng gubat at nakakita ng isang punong may bungang hugis batingaw (kahugis ng gong na nawawala). Inakyat ng bata ang puno at tinikman ang bunga. Nasarapan siya kaya nag-uwi pa para sa mga kababayan. Nang makita ng mga kababayan niya ang bunga naghinala silang naroon sa punong iyon ang kanilang gong. Nagpuntahan ang mga tao roon at hinukay ang ugat ng puno. Totoo nga! Sa ilalim niyon nakabaon ang gong na susi ng kanilang kasaganaan. Nakuhang muli ang gong at nagkaroon pa ng punong may matamis na bungang hugis kampana ang mga taong-bayan.

back